Tungkol sa Sindaw
Ang Sindaw Journal ay ang opisyal na journal-pampananaliksik ng Departamento ng Filipino at Iba pang Wika sa Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Humanidades ng Mindanao State University-Main Campus, Lungsod ng Marawi. Nilalayon nitong maging repositoryo at sanggunian ng mga naisulat na makabuluhan at napapanahong pananaliksik ng mga iskolar, propesor, at mga mag-aaral sa wika at panitikang Filipino.
Mula sa salitang Meranaw ang sindaw na nangangahulugang liwanag. Ang journal na ito ay naglalayong magbigay-liwanag at tanglaw sa pagtuklas ng kaalaman sa larangan ng pananaliksik sa wika at panitikang Filipino. Gayundin, itinatampok sa journal na ito ang mga pag-aaral at pananaliksik na mula sa iskolar, guro at mag-aaral sa Mindanao na mahalagang ambag ng mga Mindanawon sa pagsulong at pagpapatatag ng wika at panitikang Filipino.
Dalas ng PublikasyonNaglalathala ang Sindaw Journal ng dalawang isyu bawat taon. Ang unang isyu ay karaniwang inilalabas mula Enero hanggang Hunyo, samantalang ang ikalawang isyu ay inilalathala mula Hulyo hanggang Disyembre.
Upang mapabilis ang akses ng mga mambabasa at mananaliksik sa mga aprubadong artikulo, isinasagawa ng journal ang proseso ng maagang paglalathala (online first publication). Sa sandaling maaprubahan ang manuskrito at maisagawa ng awtor ang mga kinakailangang rebisyon, agad itong daraan sa pinal na prosesong editoryal at teknikal na pagsasaayos. Matapos nito, inilalathala na ang artikulo sa online na plataporma ng journal bago pa man mailabas ang kumpletong isyu.
Saklaw at Pokus ng Journal
Pangunahing nakatuon ang Sindaw Journal sa mga pag-aaral at pananaliksik na may kaugnayan sa wika, kultura, at panitikang Filipino. Bilang isang interdisiplinaryong journal, tinatanggap din nito ang mga iskolarling akdang nagsusuri sa ugnayan ng mga larangang ito sa iba’t ibang disiplina at kontemporaneong usapin. Kabilang sa mga saklaw na erya ng journal ang sumusunod:
- Edukasyon
- Pagsasalin
- Araling Pilipino
- Araling gender
- Lipunan at mga usaping panlipunan
- Teknolohiya
- Sosyolinggwistiks
- Multilinggwalismo
- Linggwistiks
- Palisiyang pangwika
- Diskurso at pagsusuring diskurso
- Etnolinggwistiks
- Katutubong kaalaman at kaalamang-bayan
- Kulturang popular
- Postkolonyalismo
- Kritisismo at teoryang pampanitikan
- Sikolohiyang Pilipino
- Kurikulum at pedagohiya
- Dihital na humanidades
- Araling alaala (memory studies)
- Nasyonalismo
- Kritikal na teorya
- Artipisyal na intelihensiya sa wika/kultura
- Kalikasan at kapaligiran
- Iba pang interdisiplinaryong pag-aaral na may kaugnayan sa wika, kultura, at panitikang Pilipino
Tinatanggap ng Sindaw Journal ang mga pananaliksik, rebyu ng aklat, sanaysay, at iba pang iskolarling akda na nagbibigay ng makabuluhang ambag sa pagpapaunlad ng kaalaman, kritikal na diskurso, at pananaliksik sa wikang Filipino at mga kaugnay nitong larangan.







