Panawagan para sa Pagsumite ng Artikulo
Ang Sindaw Journal ay tumatanggap ng mga artikulo para sa unang Tomo 1, Blg. 1.
Read more about Panawagan para sa Pagsumite ng ArtikuloAng Sindaw Journal ay ang opisyal na journal-pampananaliksik ng Departamento ng Filipino at Iba pang Wika sa Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Humanidades ng Mindanao State University-Main Campus, Lungsod ng Marawi. Nilalayon nitong maging repositoryo at sanggunian ng mga naisulat na makabuluhan at napapanahong pananaliksik ng mga iskolar, propesor, at mga mag-aaral sa wika at panitikang Filipino.
Mula sa salitang Meranaw ang sindaw na nangangahulugang liwanag. Ang journal na ito ay naglalayong magbigay-liwanag at tanglaw sa pagtuklas ng kaalaman sa larangan ng pananaliksik sa wika at panitikang Filipino. Gayundin, itinatampok sa journal na ito ang mga pag-aaral at pananaliksik na mula sa iskolar, guro at mag-aaral sa Mindanao na mahalagang ambag ng mga Mindanawon sa pagsulong at pagpapatatag ng wika at panitikang Filipino.
Ang Sindaw Journal ay tumatanggap ng mga artikulo para sa unang Tomo 1, Blg. 1.
Read More Read more about Panawagan para sa Pagsumite ng Artikulo
Ang pagkakatatag ng Sindaw Journal ay bunga ng isang masinop at sistematikong proseso ng konseptwalisasyon na isinagawa sa loob ng mahigit isang taon. Dumaan ito sa serye ng mga pagpupulong, konsultasyon, at pagpaplano bago tuluyang inilunsad ang panawagan para sa pagsusumite ng mga manuskrito. Ang prosesong ito ay naisakatuparan sa pamamagitan ng kolektibong pagsisikap ng lupon ng patnugutan, na naglaan ng panahon, kasanayan, at iba pang kinakailangang resorses upang matiyak ang pagbuo ng isang de-kalidad na akademikong publikasyon. Kabilang sa mga isinagawang paghahanda ang masusing pag-aaral sa mga pamantayan ng iskolarling paglalathala, pagsusuri sa mga huwarang akademikong journal, pagsasanay sa peer-review at editorial na pamamahala, pagbuo ng opisyal na plataporma ng journal, at paggamit ng mga karanasan ng mga kasapi ng patnugutan bilang mga mananaliksik, editor, at tagarepaso ng iba't ibang akademikong publikasyon.
Itinatag ang Sindaw Journal bilang isang refereed at bukas na akses na akademikong journal na nagsusulong ng mataas na pamantayan sa pananaliksik sa larangan ng Wikang Filipino, Panitikan, Kultura, at mga kaugnay na disiplina. Pangunahing layunin nitong magsilbing lunsaran ng mga orihinal na pag-aaral at mapanuring diskurso na gumagamit ng Wikang Filipino bilang wika ng akademya. Sa kabila ng patuloy na pag-unlad ng pananaliksik sa bansa, nananatiling limitado ang mga publikasyong tumatanggap ng mga manuskritong nakasulat sa Filipino. Sa maraming pagkakataon, kinakailangang isalin muna ng mga mananaliksik ang kanilang mga pagaaral sa Ingles upang maging karapat-dapat sa publikasyon. Sa ganitong konteksto, hangad ng Sindaw Journal na palawakin ang espasyong akademiko para sa mga iskolar na pinipiling magsulat at magbahagi ng kaalaman sa sariling wika, habang isinusulong ang internasyonal na pamantayan sa kalidad ng publikasyon. Tinutugunan nito ang pangangailangan ng mga indibidwal na mula sa ibang larang na nais ibahagi ang kanilang gawa sa pamamagitan ng paggamit ng Filipino. Isa rin itong pagsasakatuparan na magkaroon ng isang journal sa Mindanao na nakatuon sa Filipino upang tanggapin ang mga pananaliksik mula sa rehiyon, na marahil ay hindi na nababasa ng karamihan sapagkat hindi ito aksesible sa lahat. Kung gayon, ang journal na ito ay hindi lamang espasyo ng mga sulating pampananaliksik na nagawa kundi isang organong kumakatawan bilang institusyon sa akademikong diskurso, kung saan nagbabahaginan ang mga iskolar ng kanilang natatanging gawa.
Ang unang tomo ng Sindaw Journal ay naglalaman ng mga pag-aaral na sumasaklaw sa lingguwistika, panitikan, kultura, at edukasyon. Inilahad nina Nasser et al. (2026) ang isang ponolohikal na paghahambing ng mga barayti ng Wikang Surigaonon sa pamamagitan ng paggamit ng PRAAT at elisitasyon ng mga salita. Ang pagtatangkang ito ay upang ipakita ang dialect continuum ng isang wika at ang mga posibleng kapaligirang nakapagpapabago sa tunog ng isang barayti. Sinuri ni Obinay (2026) ang sintaktikong istruktura ng mga idyomang Meranaw bilang ambag sa pagunawa sa kanilang natatanging katangiang lingguwistiko. Tulad ng mga espesyal na kayarian ng isang wika, ang idyoma ay natatangi ang sintaks nito dahil sa mga constraint na inilalatag nito. Tinalakay ni Gotera (2026) ang representasyon ng moral na pag-unlad ng tao sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga kawikaang nakapaloob sa piling maiikling kuwento. Para sa kanya, may katapat sa banal na aklat ang mga moral na ipinapahiwatig sa mga sinulat ni Gabriel sa kanyang mga akda upang maituro ang pagpapahalagang moral sa mambabasa. Gamit ang Marxistang pananaw, sinuri ni Esmael at Tiburon (2026) ang anime na One Piece upang maipakita ang ugnayan ng tekstong popular at ng mga realidad na panlipunan. Dito, binibigyan-diin na hindi nalalayo ang aral na makukuha sa One Piece sa nangyayari sa totoong buhay.
Samantala, nagsagawa si Ampuan (2026) ng isang kultural na pagsusuri sa konsepto ng kamatayan batay sa Bolyum 1 ng Darangen. Detalyado ang ginawang pagtalakay sa kamatayan na pinaniniwalaang sinusunod ng mga sinauna batay sa epiko. Kaugnay nito, tinalakay nina Camama at Watamama (2026) ang kanggawii, isang tradisyon ng paglalamay ng mga Meranaw na nag-ugat sa mga kaugaliang umiiral bago ang Islamisasyon. Inilahad ang mga ilang gawaing hindi na naipagpatuloy at nabago sa pagdaan ng panahon gayon din ang dahilan ng mga pagbabagong ito. Inilarawan naman nina Ibrahim at Tiburon (2026) ang representasyon ng katatagan ng kababaihan sa piling sanaysay ng mga babaeng manunulat. Batay sa kanila, ang lakas ng babae ay hindi lamang nailalapat sa karaniwang Feminismong lente kundi naipapakita ang larawan ng isang matibay at matatag na babae sa pagharap nito sa mga suliranin. Sa larangan ng edukasyon, inilahad ni Esoy (2026) ang mga estratehiyang nagpapaunlad sa komprehensyon sa pagbasa ng mga tekstong Filipino. Tinalakay niya rito ang pamamaraan ng mga guro sa Filipino upang matiyak na ganap silang nakakaunawa ng tekstong binabasa sa Wikang Filipino. Sinuri naman nina Bala at Pandapatan (2026) ang paggamit ng wikang Gen Z sa pagkatuto at pagbuo ng kahulugan sa mga konseptong akademiko. Ipinakita rin kung paano dinamiko ng wika nagagamit sa loob ng klase. Sa usaping wika sa klasrum, tinalakay nina Panambulan at Rangiris (2026) ang paggamit ng intrasentential codeswitching sa loob ng klasrum at ang implikasyon nito sa proseso ng pagtuturo at pagkatuto.
Ang mga pag-aaral sa tomong ito ay nagpapakita sa lawak at kasiglahan ng pananaliksik sa Wikang Filipino at sa mga disiplinang kaugnay nito. Higit pa sa pagdaragdag ng kaalaman, inaasahang magsisilbi ang mga artikulong ito bilang sanggunian sa mga susunod na pag-aaral, batayan ng mga akademikong talakayan, at ambag sa patuloy na pagpapaunlad ng mga larangan ng lingguwistika, panitikan, kultura, at edukasyon. Sa ngalan ng Lupon ng Patnugutan, taos-puso naming pinasasalamatan ang mga may-akda, tagarepaso, editorial board, at lahat ng naging katuwang sa pagsasakatuparan ng unang tomo ng Sindaw Journal. Ang kanilang dedikasyon at mataas na pamantayang akademiko ang naging pundasyon ng publikasyong ito. Inaanyayahan namin ang mga mambabasa na mapanuri at kritikal na makipag-ugnayan sa mga pag-aaral na inilalahad sa tomong ito. Nawa'y magsilbi ang Sindaw Journal bilang isang bukás, mapanuri, at inklusibong daluyan ng kaalaman na patuloy na magpapayaman sa pananaliksik at akademikong diskurso sa Wikang Filipino.
Alican M. Pandapatan (Editor-in-Chief)