Imbentaryo ng Estratehiya sa Paglilinang ng Kasanayan sa Pagbasa sa Isang Pribadong Paaralan
Keywords:
Pagbasa, Wikang Filipino, Estratehiya, Kasanayan, PagtuturoAbstract
Layunin ng pag-aaral na ito na magsagawa ng komprehensibong pagsusuri ng mga estratehiya sa pagtuturo na ginagamit ng mga guro sa isang pribadong paaralan upang malinang ang kasanayan ng mga magaaral sa pag-unawa sa pagbasa sa wikang Filipino. Gumamit ng qualitative research design, kabilang ang panayam, obserbasyon, at pagsusuri ng mga dokumento, upang matukoy ang iba't ibang estratehiyang ginagamit ng mga guro at ang kanilang epekto sa pagkatuto ng mga mag-aaral. Ang mga kalahok ay mga guro sa Filipino na may sapat na karanasan sa pagtuturo at pinili sa pamamagitan ng purposive sampling. Batay sa resulta, ang mga pangunahing estratehiya ay ang Direct Reading Thinking Activity (DRTA), paglalaan ng mas maraming oras sa pagbasa, dugtungang pagbasa, paglinang ng talasalitaan, at peer tutoring. Napatunayan ding mahalaga ang mga hakbang tulad ng kolaboratibong pagbasa, pag-aangkop ng mga estratehiya sa indibidwal na pangangailangan, at pagtuturo upang mapadali ang pag-unawa ng mga mag-aaral. Ipinakita rin ng pag-aaral na ang kakulangan sa bokabularyo at oras para sa pagbabasa ay pangunahing hadlang sa pagkatuto. Gayunpaman, napatunayan na ang paggamit ng mga epektibong estratehiya tulad ng DRTA, kolaboratibong pagkatuto, at peer tutoring ay nakatutulong sa pagpapalawak ng kakayahan ng mga mag-aaral sa pagbasa. Sa kabuuan, nagbibigay-liwanag ang pananaliksik na ito sa mga mabisang pamamaraan sa pagtuturo ng pagbasa at nagmumungkahi ng patuloy na pagpapaunlad ng mga estratehiya batay sa indibidwal na pangangailangan ng mga mag-aaral upang mapalalim ang kanilang kakayahan sa pag-unawa sa pagbasa.







