Mga Palisiya
Pahayag sa Malayang Akses
Pinahahalagahan ng Sindaw Journal ang pagpapalaganap at pagpapaunlad ng kaalaman sa pamamagitan ng maagap, malaya, at hindi restriktibong akses sa mga nalalathalang artikulo nito. Bilang isang open-access na journal, layunin nitong maging bukás at madaling maabot ng mga iskolar, mananaliksik, mag-aaral, guro, at iba pang kasapi ng akademya ang mga pag-aaral at diskursong saklaw ng journal.
Tinitiyak ng journal na ang lahat ng nalathalang artikulo ay maaaring maakses online nang walang kinakailangang subskripsiyon, bayad, o anumang hadlang sa paggamit. Dahil dito, ang mga artikulo ay maaaring basahin, i-download, sipiin, at ibahagi nang malaya para sa layunin ng pananaliksik, pagtuturo, pagkatuto, at iba pang gawaing pang-edukasyon. Maaari rin itong kopyahin at ipamahagi sa anumang pormat, basta’t kinikilala at wastong binabanggit ang orihinal na awtor at ang journal bilang pinagmulan ng publikasyon.
Ang lahat ng nilalaman ng journal ay tumatalima sa Creative Commons na CC BY 4.0 International License. Sa ilalim ng lisensiyang ito, pinahihintulutan ang paggamit, distribusyon, at adaptasyon ng mga artikulo sa anumang midyum o pormat, sa kondisyong maibibigay ang wastong atribusyon sa orihinal na awtor at sa journal sa pamamagitan ng angkop na pagsipi o citation.
Nanatili sa mga awtor ang karapatang-ari (copyright) ng kanilang mga artikulo, habang kinikilala rin ang karapatan ng patnugutan sa publikasyon at distribusyon ng mga nalathalang akda bilang bahagi ng opisyal na nilalaman ng journal.
Pagbawi sa Artikulo
Pinananatili ng Sindaw Journal ang integridad, kredibilidad, at katumpakan ng mga iskolarling rekord na inilalathala nito. Kaugnay nito, maaaring isailalim sa pagbawi (retraction) ang isang artikulo kapag napatunayang lumabag ito sa mga etikal na pamantayan sa pananaliksik at akademikong pagsulat, o kaya naman ay nasasangkot sa mga seryosong isyung nakaaapekto sa pagiging mapagkakatiwalaan ng nilalaman nito.
Mahigpit na sinusunod ng journal ang mga kinikilalang pamantayan sa akademikong publikasyon upang matiyak ang transpárensiya, pananagutan, at integridad sa proseso ng paglilimbag. Kabilang sa mga karaniwang paglabag na maaaring magresulta sa pagbawi ng artikulo ang sumusunod:
- plagyarismo at iba pang anyo ng hindi etikal na pagsulat;
- dobleng publikasyon o sabayang pagsusumite sa ibang journal;
- malalaking kamaliang siyentipiko o metodolohikal;
- manipulasyon o pamemeke ng datos;
- maling representasyon ng awtorship o kontribusyon ng mga awtor;
- at iba pang gawaing lumalabag sa etika ng pananaliksik at publikasyon.
Bago ang opisyal na pagbawi o pagtanggal ng artikulo, pormal na ipaaalam ng patnugutan sa awtor o mga awtor ang naturang desisyon, kabilang ang malinaw na paglalahad ng mga dahilan at ebidensiyang may kaugnayan sa paglabag. May karapatan ding magsumite ng apela ang awtor upang maipaliwanag at maipagtanggol ang kaniyang panig hinggil sa isyung kinasasangkutan ng artikulo.
Ang pagpapasya ukol sa pagtanggap o hindi pagtanggap sa apela ay mananatiling nasa kapangyarihan ng patnugutan ng Sindaw Journal. Anumang pinal na desisyon na inilabas matapos ang proseso ng apela ay ituturing na pinal at hindi na maaaring baguhin pa.
Pagsunod sa Bukas na Pagsipi
Pinahahalagahan ng Sindaw Journal ang kahalagahan ng wastong pagsipi at responsableng paggamit ng mga sanggunian bilang bahagi ng pagpapanatili ng integridad at kredibilidad ng akademikong publikasyon. Kaugnay nito, mahigpit na itinataguyod ng journal ang prinsipyo ng bukas na pagsipi (open citation) upang higit na mapalawak ang aksesibilidad, beripikasyon, at paggamit ng mga reperensiyang nakapaloob sa mga nalalathalang artikulo.
Tinitiyak ng journal na ang lahat ng reperensiyang nakalista sa bawat artikulo ay kumpleto, wasto, at nakaayon sa itinakdang pamantayan sa pagsipi. Ang lahat ng pagsipi at reperensiya ay kinakailangang malinaw na mailahad at malayang maakses nang walang hindi kinakailangang restriksiyon. Hangga’t maaari, ang mga reperensiya ay dapat makita at mabeberipika sa mga indexing system, repositoryo, database, at mga opisyal na website ng publikasyon.
Responsibilidad ng mga awtor na:
- magbigay ng tama, kumpleto, at nabeberipikang reperensiya ng lahat ng siniping akda;
- sumunod sa pormat ng pagsipi at reperensiyang itinakda sa gabay ng journal;
- tiyakin na ang lahat ng sangguniang ginamit ay may kaugnayan at akademikong mapagkakatiwalaan;
- at iwasan ang labis o hindi kinakailangang pagsipi sa sarili nilang mga naunang publikasyon (excessive self-citation).
Samantala, tungkulin naman ng patnugutan ng Sindaw Journal na:
- tiyakin na ang mga reperensiya ay sumasailalim sa masusing beripikasyon sa paunang pagsusuri at proseso ng peer review;
- suriin ang wastong pormat at konsistensi ng mga pagsipi bago mailathala ang artikulo;
- at panatilihin ang pagsunod sa mga pamantayan ng bukas at etikal na pagsipi sa lahat ng publikasyon ng journal.
Sa pamamagitan nito, nilalayon ng journal na maisulong ang transpárensiya, kredibilidad, at mas malawak na pagpapalitan ng kaalaman sa larangan ng akademikong pananaliksik at publikasyon.
Salungatan ng Interes
Pinananatili ng journal ang mataas na antas ng transparensiya, integridad, at tiwala sa paglalathala ng mga iskolarling akda. Inaasahan na ang mga awtor, editor, at tagarebyu ay magpapahayag at maglilinaw na ang isinusumiteng artikulo ay walang umiiral na salungatan ng interes sa sinumang indibidwal, institusyon, o organisasyon. Sa konteksto ng iskolarling publikasyon, ang salungatan ng interes ay nagaganap kapag ang personal, pinansyal, propesyonal, o institusyonal na ugnayan ay maaaring makaapekto, o magmukhang nakaaapekto, sa obhetibidad, integridad, interpretasyon ng pananaliksik, at mga pagpapasyang editoryal.
Ang mga pahayag na isinumite ng awtor hinggil sa salungatan ng interes ay susuriin ng editor upang matiyak ang katumpakan at pagiging makatotohanan ng mga ito. Sa pagkakataong may matukoy o mapag-alamang salungatan ng interes, magsasagawa ang patnugutan ng nararapat na hakbang upang masusing marebyu at mapagpasyahan ang kaukulang aksiyon. Maaaring magtalaga ang patnugutan ng karagdagang tagarebyu o kumuha ng ibang eksperto upang beripikahin ang nilalaman at integridad ng artikulo.
Ang hindi matapat na pagpapahayag o hindi pagsunod sa polisiya hinggil sa salungatan ng interes ay maaaring magresulta sa pagtanggi sa manuskrito, pagbawi ng isinumiteng artikulo, pagtanggal ng nalathalang akda, at pagbabawal sa muling pagsusumite sa hinaharap.
Patakarang Editoryal
Bilang isang independiyenteng journal, mahigpit na sinusunod ng publikasyong ito ang mga patakaran at pamantayang itinakda nito. Ang mga pagpapasya ng patnugutan ay ginagabayan ng mga prinsipyong nakabatay sa iskolarling integridad, orihinalidad, kabuluhan ng pag-aaral, at etikal na pananagutan. Ang mga desisyong editoryal ay hindi naiimpluwensiyahan ng tagalathala o ng iba pang indibidwal at institusyong may kaugnayan sa journal.
Nagtatakda ang journal ng malinaw at tiyak na saklaw ng mga larangang tinatanggap nito, alinsunod sa panawagan para sa pagsusumite ng mga papel. Ang lahat ng manuskrito ay sumasailalim sa prosesong double-blind peer review upang matiyak ang patas, obhetibo, at komprehensibong pagsusuri. Sinusuri ng mga tagarebyu ang bawat aspeto ng nilalaman, kabilang ang kalidad ng argumento, metodolohiya, organisasyon, at katumpakan ng datos at interpretasyon.
Ang pinal na pagpapasya hinggil sa pagtanggap o pagtanggi ng manuskrito ay ginagawa ng Punong Patnugot batay sa mga ulat at rekomendasyong isinumite ng mga kasapi ng patnugutan at mga tagarebyu, gayundin sa pangkalahatang kalidad ng papel. Isinasakatuparan ng journal ang mga sumusunod na kategorya ng hatol: tanggap, tanggap na may kaunting rebisyon, tanggap na may malaking rebisyon, at hindi tanggap.
Tinitiyak din ng patnugutan ang pagsunod sa itinakdang proseso at iskedyul ng pagsusuri, rebisyon, at paglalathala ng mga papel alinsunod sa daloy ng pagsusumite at publikasyon ng journal.
Dihital na Preserbasyon
Upang matiyak ang pangmatagalang akses at pangangalaga sa mga nalathalang artikulo, nagpapatupad ang journal ng mga estratehiya sa dihital na preserbasyon at pag-arkibo. Kabilang dito ang pagtatago ng mga kopya ng mga publikasyon sa iba’t ibang repositoryo bilang backup sakaling magkaroon ng suliranin o pagkasira sa sistema ng website.
Bahagi rin ng patakarang ito ang paggamit ng cloud-based backup system upang mapanatili ang seguridad, integridad, at accessibility ng mga datos at publikasyon ng journal. Sa pamamagitan ng mga hakbanging ito, tinitiyak ng journal ang tuloy-tuloy at maaasahang akses sa mga iskolarling akda para sa mga mananaliksik, mambabasa, at iba pang gumagamit.
Paggamit ng Artipisyal na Intelihensiya (AI)
Alinsunod sa patakarang itinakda ng Mindanao State University hinggil sa paggamit ng Artipisyal na Intelihensiya (AI) sa akademya, kinikilala ng Sindaw Journal ang mahalagang ambag ng AI bilang pantulong na teknolohiya sa pananaliksik at pagsulat, sa kondisyong ito ay ginagamit nang may pananagutan, integridad, at pagsunod sa etika ng pananaliksik.
Maaaring gamitin ang AI bilang kasangkapang pantulong sa pagpapahusay ng teksto, pagproseso ng datos, pagbuo ng presentasyon, paghahanap ng mga mapagkakatiwalaang sanggunian, at pagtukoy ng mga maaaring gamiting metodo o kagamitan sa analisis. Gayunman, sa patakaran ng journal na ito, pinahihintulutan lamang ang paggamit ng AI para sa pagpapahusay ng gramatika, pagpapalinaw ng pagpapahayag, pagpapabuti ng daloy ng pagbasa, at pagsasaayos o paglalagom ng datos.
Hindi pinahihintulutan ang paggamit ng AI sa paglikha ng pangunahing ideya, argumento, interpretasyon, o kritikal na pagsusuri ng pananaliksik, sapagkat ang mga ito ay dapat magmula sa intelektuwal at malikhaing ambag ng mananaliksik. Inaasahan na ang mga awtor ay magiging responsable at etikal sa paggamit ng AI at iiwas sa anumang gawaing maaaring magdulot ng maling impormasyon, panlilinlang, o paglabag sa integridad ng iskolarling pananaliksik.
Kinakailangang ibunyag ng mga awtor sa kanilang manuskrito ang anumang paggamit ng AI na naaayon sa pinahihintulutang saklaw ng journal upang mabigyang-kaalaman ang patnugutan. Kaugnay nito, maaaring gumamit ang patnugutan ng mga kaukulang kasangkapan at pamamaraan upang suriin kung ang manuskrito ay labis na nakadepende sa nilikhang nilalaman ng AI o lumalabag sa itinakdang polisiya.
Ang paglabag sa patakarang ito, kabilang ang paggamit ng AI sa mga ipinagbabawal na paraan ng pagsulat at paglikha ng nilalaman, ay maaaring magresulta sa hindi pagtanggap ng manuskrito, pagbawi o pagtanggal ng nalathalang artikulo mula sa repositoryo ng journal, at restriksiyon sa muling pagsusumite ng artikulo sa hinaharap.
Pagsusuring Kapwa Iskolar (Peer Review)
Naniniwala ang patnugutan na ang proseso ng peer review ay mahalagang mekanismo upang mapagtibay ang kalidad, kredibilidad, at integridad ng mga isinusumiteng artikulo. Isinasagawa ang pagsusuri sa paraang patas, obhetibo, at kumpidensiyal upang matiyak na ang mga pagpapasya ng mga tagarebyu ay hindi naaapektuhan ng pagkakakilanlan ng mga awtor. Bilang bahagi ng pamantayang akademiko ng journal, walang papel na maaaring tanggapin para sa publikasyon nang hindi dumaraan sa masusing pagsusuri ng mga iskolar na tagarebyu.
Layunin ng prosesong ito na tasahin kung ang manuskrito ay orihinal, makabuluhan, at sumusunod sa pamantayang siyentipiko at akademiko. Sinusuri rin dito ang baliditi ng disenyo ng pananaliksik, metodolohiya, analisis, interpretasyon ng datos, at kabuuang kalidad ng papel.
Ang bawat manuskrito ay dumaraan sa sumusunod na yugto ng pagsusuri:
- Inisyal na Pagtatasa. Isinasagawa ng mga Tagapamahalang Editor ang paunang pagsusuri upang matiyak na ang manuskrito ay sumusunod sa saklaw, format, at pangunahing pamantayan ng journal.
- Editoryal na Ebalwasyon. Isinasagawa ng Punong Patnugot ang masusing ebalwasyon upang matukoy kung ang artikulo ay may sapat na kalidad at kabuluhan para sumailalim sa peer review.
- Pagsusuring Kapwa Iskolar. Ang mga manuskritong pumasa sa paunang pagsusuri ay ipinadadala sa mga kwalipikadong tagarebyu na may sapat na ekspertis sa kaugnay na larangan. Ang pagpili ng mga tagarebyu ay maaaring ibatay sa kanilang mga publikasyon, karanasan, at akademikong ambag na makikita sa mga mapagkakatiwalaang plataporma ng pananaliksik gaya ng Google Scholar at ResearchGate.
- Pagbibigay ng Desisyon. Batay sa mga ulat at rekomendasyon ng mga tagarebyu, magpapadala ang patnugutan ng pormal na liham sa awtor hinggil sa resulta ng pagsusuri at sa kinakailangang rebisyon o pinal na pasya ukol sa manuskrito
Repositoryo
Gumagamit ang Sindaw Journal ng mga repositoryong nakabatay sa angkop na domeyn upang maging higit na madali ang pag-akses at pagpapalaganap ng mga nalathalang artikulo sa mga mambabasa at mananaliksik. Nagtataglay din ng kopya ng mga nailathalang artikulo ang institusyong kinabibilangan ng journal bilang bahagi ng kanilang arkebo at mekanismo ng preserbasyon sakaling magkaroon ng suliranin sa pag-akses ng mga materyal sa pangunahing plataporma.
Kinikilala rin ng Sindaw Journal ang karapatan ng mga awtor at ng kanilang kinabibilangang institusyon na mag-arkebo ng bersiyong nailathala sa journal, alinsunod sa nakasaad sa mismong manuskrito at sa mga umiiral na patakaran ng publikasyon. Tanging ang pinal na bersiyong nailathala (version of record) ang maaaring ilagay sa repositoryo ng journal; hindi kabilang dito ang mga pre-print at post-print na anyo ng manuskrito.
Permanenteng inilalagak sa repositoryo ng journal ang lahat ng nalathalang artikulo upang matiyak ang preserbasyon, pagkakaroon ng wastong metadata, at pagkakaroon ng kompletong kopya ng mga manuskrito para sa indexing, retrieval, at pangmatagalang aksesibilidad ng mga publikasyon.
Upang maiwasan ang mga teknikal at pangnilalamang kamalian bago ang pinal na publikasyon, responsibilidad ng mga awtor na masusing suriin at tiyakin ang kawastuhan ng gallery proof na inihanda ng journal.
Hindi Tamang Paglalathala
Mahigpit na itinataguyod ng Sindaw Journal ang pagsunod sa mga pamantayang etikal sa paglalathala ng mga pananaliksik at iskolarling akda. Bilang bahagi ng pangangalaga sa integridad, kredibilidad, at kalidad ng publikasyon, hindi pinahihintulutan ng journal ang anumang gawaing lumalabag sa mga alituntunin ng wastong pananaliksik at etikal na paglalathala.
Kabilang sa mga itinuturing na hindi tamang paglalathala ang sumusunod:
- Plagyarismo – paggamit ng ideya, datos, pahayag, o akda ng iba nang walang wastong pagkilala at pagsipi sa pinagkunang sanggunian.
- Pagmamanipula o pagbabago sa datos – sinadyang pagbabago, paglikha, o pagtatago ng datos at resulta upang umayon sa inaasahang kinalabasan ng pananaliksik.
- Dobleng publikasyon o paulit-ulit na publikasyon – pagsusumite o paglalahala ng iisang artikulo o halos magkakatulad na nilalaman sa mahigit sa isang publikasyon nang walang wastong pahintulot o paglilinaw.
- Hindi wastong pagkilala sa mga awtor – hindi tamang paglalagay, pagtatanggal, o pagkilala sa mga indibidwal bilang awtor na hindi naman tunay na nakibahagi sa pagbuo ng pananaliksik.
- Manipulasyon sa pagsipi at pagbanggit ng sanggunian – hindi makatwirang paggamit o sapilitang pagdaragdag ng mga sanggunian upang mapataas ang bilang ng sipi (citation manipulation).
- Paglabag sa etikal na konsiderasyon ng pananaliksik – hindi pagsunod sa mga pamantayang etikal kaugnay ng pangangalap ng datos, pagkuha ng pahintulot, pagiging kumpidensiyal, at pangangalaga sa kapakanan ng mga kalahok sa pananaliksik.
- Hindi wastong paggamit ng artipisyal na intelihensiya (AI) – paggamit ng mga kasangkapang nakabatay sa artipisyal na intelihensiya sa paraang lumalabag sa prinsipyo ng orihinalidad, integridad, at pananagutan ng may-akda, lalo na kung hindi ito wastong isiniwalat o ginamit bilang kapalit ng aktuwal na gawaing iskolarling.
- Paglalagay ng mga hindi umiiral o huwad na sanggunian at iskolarling literatura – paggamit o pagbanggit ng mga pekeng reperensiya, hindi totoong publikasyon, o kathang-isip na pag-aaral bilang bahagi ng manuskrito.
- Nagpagawa o biniling pananaliksik – isang malaking paglabag ang paglalathala ng isang pananaliksik na hindi isinulat, ginawa, at kinalap ng awtor.
Anumang artikulong mapatunayang lumalabag sa mga nabanggit na alituntunin ay maaaring tanggihan, bawiin, o alisin sa publikasyon ng Sindaw Journal. Maaari ring magsagawa ng kaukulang imbestigasyon at hakbang ang patnugutan alinsunod sa umiiral na pamantayang etikal sa akademikong paglalathala.
Bayarin sa Pagproseso ng Artikulo
Ang Sindaw Journal ay isang inisyatiba ng Departamento ng Filipino at Iba Pang Wika (DFIW), Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Humanidades, ng Mindanao State University. Itinatag ang journal bilang tugon sa kakulangan ng mga espasyong akademiko para sa mga pananaliksik at iskolarling akdang nasusulat sa wikang Filipino. Kaugnay nito, kinakailangan ang suportang pinansiyal mula sa departamento upang mapanatili ang operasyon at pagpapaunlad ng publikasyon.
Upang masuportahan ang patuloy na operasyon ng Sindaw Journal, kabilang ang pamamahala ng publikasyon, pagmamantine ng mga plataporma sa internet, digital archiving, at iba pang teknikal na pangangailangan ng journal, nagpapatupad ito ng kaukulang bayarin sa paglalathala (article processing charge).
Ang itinakdang bayarin ay ang sumusunod:
- ₱3,000 para sa mga independiyenteng mananaliksik, propesyonal, guro, at mga mag-aaral sa antas gradwado; at
- ₱2,000 para sa mga mag-aaral sa antas di-gradwado.
Nais bigyang-diin ng Sindaw Journal na ang pagpapatupad ng bayarin ay hindi para sa layuning pangkalakalan o pagkita, kundi isang mekanismo upang mapanatili at masuportahan ang operasyon, kalidad, at pagpapatuloy ng publikasyon.
Pribadong Pahayag
Ang Sindaw Journal ay mahigpit na sumusunod sa mga pamantayan hinggil sa pangangalaga at proteksiyon ng pribado at personal na impormasyon ng lahat ng gumagamit nito, kabilang ang mga awtor, tagarebyu, editor, at mga mambabasa. Tinitiyak ng journal na ang lahat ng personal na datos at impormasyong hindi bahagi ng manuskrito ay mananatiling kompidensiyal at gagamitin lamang para sa mga layuning may kaugnayan sa proseso ng publikasyon, ebalwasyon, at pamamahala ng journal.
Ang mga nakalap na impormasyon ay hindi ibabahagi, ipamamahagi, o gagamitin sa anumang gawaing walang kaugnayan sa operasyon ng journal nang walang kaukulang pahintulot mula sa kinauukulan, maliban kung hinihingi ng batas o ng umiiral na mga regulasyon sa akademikong paglalathala. Pinananatili ng patnugutan ang integridad at seguridad ng lahat ng rekord at komunikasyong may kaugnayan sa pagsusumite, pagrerebyu, at paglilimbag ng mga artikulo alinsunod sa mga etikal na pamantayan ng akademikong publikasyon.
Kung magkakaroon ng anumang pagbabago sa pribadong pahayag, ang Sindaw Journal ay mananatiling tumatalima sa mga umiiral at napapanahong patakaran, batas, at etikal na pamantayan hinggil sa pangangalaga at proteksiyon ng pribado at personal na impormasyon ng mga gumagamit nito. Anumang pagbabago o rebisyon sa nasabing pahayag ay ipatutupad upang higit na mapanatili ang seguridad, kompidensiyalidad, at wastong paggamit ng mga impormasyong nakalap ng journal sa proseso ng publikasyon at pamamahala nito.







