Gabay sa Tagarebyu

  1. Responsibilidad ng tagarebyu na masusing basahin at unawain ang iskolarling argumento, metodolohiya, at kabuuang nilalaman ng manuskrito.
  2. Iniiwasan ng tagarebyu ang pagmumungkahi ng mga pagbabagong maaaring makaapekto o makapagpabago sa orihinal na datos ng pananaliksik, maliban kung may malinaw na kakulangan o mahahalagang usaping metodolohikal na dapat tugunan batay sa inilahad na ebidensiya ng awtor.
  3. Tinutulungan ng tagarebyu ang editor sa patas, makatwiran, at obhetibong pagsusuri ng manuskrito.
  4. Isinasagawa ang pagsusuri batay sa iskolarling pamantayan, kritikal na perspektiba, at obhetibong pagtingin sa nakatalagang manuskrito.
  5. Maingat na sinusuri ng tagarebyu ang orihinalidad, kabuluhan, at ambag ng pananaliksik sa larangan ng kaalaman.
  6. Tinutukoy ng tagarebyu ang anumang posibleng anyo ng plagyarismo, maling pagbanggit ng sanggunian, o iba pang paglabag sa etikal na pamantayan ng pananaliksik at publikasyon.
  7. Mahigpit na pinananatili ng tagarebyu ang pagiging kumpidensiyal ng manuskrito at hindi isiniwalat ang pagkakakilanlan ng may-akda o nilalaman ng papel bago ito mailathala, alinsunod sa patakaran ng journal sa kumpidensiyalidad.
  8. Narerebyu ang mga materyal, datos, at reperensiyang ginamit sa pananaliksik upang matiyak ang kawastuhan, konsistensi, at kredibilidad ng mga impormasyong nakapaloob sa manuskrito. 
  9. Inaasahang maibabalik ng tagarebyu ang nirebyung manuskrito sa loob ng itinakdang panahon upang mapanatili ang episyente at maayos na daloy ng proseso ng publikasyon.
  10. Maaaring magmungkahi ang tagarebyu ng mga karagdagang reperensiya o kaugnay na literatura kung kinakailangan upang higit na mapagtibay at masuportahan ang argumento at diskusyon ng awtor.