Gabay sa Awtor

  1. Ang mga isusumiteng artikulo ay dapat na orihinal, may mataas na kalidad, at nakapag-aambag sa umiiral na kaalaman sa larangan.
  2. Ang manuskrito ay hindi pa naisusumite o nailalathala sa ibang journal, kahit ito ay salin lamang sa Wikang Ingles.
  3. Kailangang magsumite ang (mga) awtor ng sertipiko ng orihinalidad. Maaaring makuha ang template nito sa ibinigay na link. 
  4. Ang bahagdan ng similaridad batay sa Turnitin ay hindi dapat lumampas sa 20%.
  5. Sundin ang itinakdang template na maaaring makuha sa ibinigay na link.
  6. Ang bawat manuskrito ay dapat maglaman lamang ng 5,000–7,000 salita, hindi kasama ang abstrak, mga reperensya, at apendiks.
  7. Tiyakin na payak, malinaw, at madaling maunawaan ang gamit ng wika. Iwasan ang paggamit ng mga jargon maliban kung kinakailangan sa manuskrito. 
  8.  Maaaring sundin ang gabay sa masinop na pagsulat ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) o ang lingguwistikong paraan ng pagsulat.
  9. Isumite ang manuskrito sa anyong MS Word file lamang.
  10. Ang pormat ng papel ay dapat nakaayon sa IMRaD (Introduksyon, Metodo, Resulta at Diskusyon).
  11. Ang pamagat ng artikulo ay hindi dapat lumampas sa 15 salita.
  12. Ang pangalan ng awtor, kinabibilangang institusyon, at sulatroniko (email) ay dapat ilagay sa hiwalay na MS Word file.
  13. Ang abstrak ay dapat maglaman lamang ng 200–250 salita.
  14. Ang introduksyon ay dapat naglalaman ng kaligiran ng suliranin, layunin ng pag-aaral, at puwang o gap na nakita sa mga kaugnay na literatura at pag-aaral. Kasama rin sa bahaging ito ang rebyu ng mga kaugnay na literatura at pag-aaral.
  15.  Ang metodo ay dapat naglalahad ng mga pamamaraang ginamit sa pagbuo ng pag-aaral, tulad ng disenyo ng pananaliksik, paraan ng pangangalap at pagsusuri ng datos, etikal na konsiderasyon, at iba pa.
  16. Ang resulta at diskusyon ay dapat magpakita ng sistematikong presentasyon at masusing pagsusuri ng mga nakalap na datos. Maaaring gamitin ang tekstuwal na presentasyon, talahanayan, dayagram, tsart, grapika, larawan, at iba pang kaugnay na anyo. Tiyakin ding nasasagot nito ang mga suliraning inilahad sa pag-aaral. Maaaring gamiting sanggunian ang mga naunang pag-aaral upang higit na mapalalim ang pagsusuri at pagpapaliwanag ng datos.
  17. Ang konklusyon ay hindi simpleng lagom ng pananaliksik kundi isang malinaw na pahayag na nabuo mula sa pagsusuri ng pag-aaral. Maaari ring ilahad sa bahaging ito ang limitasyon at rekomendasyon ng pananaliksik.
  18. Ang estilong gagamitin sa pagsulat ng reperensya ay APA 7th Edition. Hangga’t maaari, ang mga reperensyang gagamitin ay mula sa mga iskolarling pananaliksik, tesis, at disertasyon.
  19. May karapatan ang editorial team na magsagawa ng mga kinakailangang teknikal na pagbabago o pagwawasto sa manuskrito bago ito mailathala.
  20. Ang pagsumite ng papel sa Sindaw Journal ay nangangahulugan ng pagbibigay sa journal ng karapatang-ari sa nasabing akda.