Sa Gitna ng Dagat at Lipunan: Marxistang Pagbasa sa One Piece ni Eiichiro Oda

Authors

  • Jasser M. Esmael Mindanao State University- Main Campus Author

Keywords:

Marxismo, One Piece, tunggalian ng uri, ideolohiya, kulturang popular, dominasyon

Abstract

Sinusuri ng pag-aaral na ito ang One Piece ni Eiichiro Oda gamit ang Marxistang lente upang matukoy kung paano inilalarawan ng serye ang tunggalian ng mga uri, dominasyon, ideolohiya, at mga mekanismo ng kapangyarihan sa lipunan. Partikular nitong tinatalakay ang representasyon ng mga estrukturang panlipunan, mga anyo ng dominasyon at kontrol, at mga puwersang nagtutulak sa paglaban at panlipunang pagbabago sa mga piling arko ng Sabaody Archipelago, Dressrosa, Wano Country, at Ohara. Gumamit ang pag-aaral ng kwalitatibong disenyo sa pamamagitan ng tekstuwal at kontekstuwal na pagsusuri sa mga piling kabanata ng manga at kaugnay na mga episodyo ng anime. Isinagawa ang interpretasyon batay sa mga kaisipang Marxista nina Marx at Engels, kasama ang mga konsepto nina Gramsci, Althusser, Foucault, at iba pang kaugnay na teorista upang higit na maunawaan ang ugnayan ng kapangyarihan, ideolohiya, at lipunan. Natuklasan sa pagaaral na inilalarawan ng One Piece ang mga estruktura ng hindi pagkakapantay-pantay sa pamamagitan ng sistematikong eksploytasyon, ideolohikal na manipulasyon, pagkontrol sa kaalaman, at paggamit sa mga institusyon bilang mga instrumento ng dominasyon. Kasabay nito, ipinakikita rin ng serye ang kolektibong paglaban bilang mahalagang puwersa sa paghamon sa mapaniil na kaayusan at pagsusulong ng panlipunang pagbabago. Ipinahihiwatig ng pag-aaral na ang One Piece ay hindi lamang isang anyo ng kulturang popular kundi isang makabuluhang tekstong pampanitikan na maaaring gamiting lunsaran ng kritikal na pagsusuri sa mga usaping panlipunan, pampolitika, at ideolohikal. Sa gayon, nagaambag ito sa pagpapalawak ng pag-aaral hinggil sa anime at manga sa larangan ng panitikang Filipino at kulturang popular.

Published

2026-08-07

How to Cite

Sa Gitna ng Dagat at Lipunan: Marxistang Pagbasa sa One Piece ni Eiichiro Oda. (2026). Sindaw Journal, 1(1), 37-48. https://sindawjournal.org/index.php/sj/article/view/24