Paglilipat-Diwang Kawikaan: Ugnayang Intertekstuwal sa Moral na Diwa ng mga Maikling Kuwento ni Rodrigo S. Gabriel

Authors

  • Irma T. Gotera Mindanao State University- Main Campus Author

Keywords:

Intertekstuwalidad, Paglilipat-Diwang Kawikaan, Moralidad, Kawikaan sa Bibliya, Pilosopiyang Pilipino, Makataong Pagkilos

Abstract

Nilayon ng pananaliksik na ito na suriin ang mga kawikaang moral sa sampung (10) maikling kuwento ni Rodrigo S. Gabriel (RSG) na nalathala sa Magasing Liwayway at ang impluwensiya ng mga ito sa paglutas ng mga suliraning moral ng mga tauhan. Gumamit ang pagaaral ng kuwalitatibong disenyo na nakatuon sa pagsusuring tekstuwal at purposive sampling. Isinagawa ang pagsusuri sa pamamagitan ng (1) pagtukoy sa mga diyalogong hindi tuwirang nagpapahayag ng kawikaan, (2) pagtatapat ng mga ito sa mga kilalang salawikaing Pilipino, at (3) pag-uugnay ng mga natukoy na salawikain sa mga kaugnay na kawikaan sa Bibliya. Naging gabay sa pagsusuri ang etikal na pananaw sa Makataong Pagkilos ni Panizo (1964), Pilosopiyang Pilipino ni Timbreza (1982), Dialogismo ni Bakhtin (1981), at Intertekstuwalidad ni Kristeva (1980). Mula rito ay nabuo ang konseptong Paglilipat-diwang Kawikaan bilang midyum ng pagsasaling kultural. Ayon kay Kristeva, ang bawat teksto ay isang mosaic ng mga siping humuhugot at nagbabago ng kahulugan mula sa iba pang teksto. Halimbawa nito ang diyalogong, “Kahit buhay ko’y itataya ko,” na nagpapahiwatig ng salawikaing “Ang puri’t dangal, mahalaga kaysa buhay,” na iniuugnay sa Kawikaan 22:1 tungkol sa higit na halaga ng mabuting pangalan kaysa kayamanan. Natukoy sa pag-aaral ang mahahalagang pagpapahalagang moral tulad ng karangalan at integridad, katarungan sa paggawa, pagdamay sa kapwa, ganting-kabutihan at pagtitimpi, katapatan, at paggabay ng budhi. Pinatutunayan ng pagaaral na ang Paglilipat-diwang Kawikaan ay nagpapamalas ng ugnayang intertekstuwal na nagpapatibay sa Magasing Liwayway bilang makabuluhang daluyan ng panitikan at tagapagpanatili ng moralidad at karunungan.

References

, , , , ,

Published

2026-08-07

How to Cite

Paglilipat-Diwang Kawikaan: Ugnayang Intertekstuwal sa Moral na Diwa ng mga Maikling Kuwento ni Rodrigo S. Gabriel. (2026). Sindaw Journal, 1(1), 27-36. https://sindawjournal.org/index.php/sj/article/view/23